Last na 'to...PANIMULA
hindi ko na po uulitin ang ginawa ko nitong nagdaang sem, mga titser.
pero uulitin ko po, hindi po ako nagsisisi sa mga ginawa ko, maniwala po sana kayo, mga titser.
wala po akong pagsisisihan pero hinding-hindi ko na po uulitin ang mga ginawa ko, mga titser.
maraming salamat po, mga titser, sa lahat ng mga bagay na tinuro nyo, mapa-akademiko man o hindi.
maraming salamat din po sa mga lesson na pinilit nyong ipaintindi sa mga katulad kong may diperensya ang utak, mga titser.
PASASALAMATmaraming salamat sa iyo paborito kong titser sa pagtulong sa aking pagpipilit makabangon sa lubog kong academic standing. hindi ko po kayo makakalimutan dahil pareho tayo ng paboritong writer, bagama't pinakagusto ko pong quote mula sa ating paboritong writer ay ito:
"Minsan kelangan mo rin pala ng lakas para sabihing mahina ka." Iyan po ang pinatunayan ko sa inyo, sa loob ng klase.
salamat sa kuwatro.
maraming salamat din sa bagong titser kong kahit harap-harapan kong binabastos sa loob ng klase ay nagyaya pa rin ng lunch out, at di ko sinipot. bahala na po kayo kung ibagsak nyo rin ako. wala akong magagawa. ayoko po talaga sa lessons nyo.
maraming salamat na rin sa dalawang hindi-ko-paboritong mga titser dahil sa lawak ng kaalaman nyo sa disiplinang tinatahak ko ngayon. kayo ang nagsilbing mga tsunami sa landas ng aking buhay sa akademya, at bihira lang po mapabahag nang husto ang aking buntot. kayo pong dalawa ang nakasindak sa akin. salamat sa iginapang kong tres. PS Napakarami ko pong natutunan ngayon sa field natin.
maraming salamat sa titser kong inasahan kong mas mataas sana na marka ang ibibigay dahil paborito ko ang subject na tinuturo niya, pero binigo ako. may konting paghihimutok akong nararamdaman, pero kayang pawiin nang alaala nang kasipagan ko sa pagpasok sa inyong klase kahit na nga mas madalas kayong wala. hindi ko po kayo sinuway sa kagustuhan ninyong palawakin ang aming kaalaman sa pamamagitan ng library at assigned readings. masaya ako at pinatunayan kong naging responsable akong estudyante sa inyong klase.
maraming salamat sa titser kong nagpakita ng malaking tiwala sa akin kahit ako na mismo ang sumusuko sa laban. ang totoo po titser hindi ko binigay ang 100% ko sa loob ng klase dahil ayaw na ayaw ko sa subject. pero maraming salamat po sa inyong malaking pang-unawa at pagkamabuti, nagpilit ako gumapang kahit papaano. still, hindi ko po deserve ang dos dahil effortless po lahat ng postlab ko.
maraming salamat sa titser kong napakalaki ng expectation sa klase. hindi ko kayo makakalimutan sa chocolate at sa 19/100. salamat po at hinayaan nyo akong tumawa sa loob ng klase dahil sa mga masasayang kagrupo ko.
lastly, maraming salamat sa titser kong naging fair. kahit na hindi po ako naging mabuting estudyante sa klase nyo, nagpakita pa rin kayo ng tiwala. pero isinuko ko na po ang interes ko bago pa man magsimula ang unang araw ng ating klase. hindi ko po priority ang subject nyo, at mas lalong hindi ko ginusto sa simula't simula pa. maraming salamat po sa singko.
DEDIKASYONPara sa bukas ang diwa't pang-unawa sa istorya't himutok ng mga estudyanteng gaya nina Jojo Boy* at Holden Caulfield**... inaalay ko ang kapiraso ng aking rebolusyon
NILALAMAN
What makes the second sem unforgettable?
Una, palagi akong may natutuklasang mapanganib na bagay para sa kapasidad ng aking utak at sa abilidad ng aking pang-unawa. Pangalawa, palagi akong may bagsak.
Nais kong sariwain ang second sem nang nakaraang taong panuruan, dahil lubha akong nangungulila sa kahapong yon.
Nung isang taon, masaya ang naging second sem ko dahil noon nagsimula ang pagbubungkal ko ng tunay na kaalaman sa mundo. maraming salamat sa dalawang gurong nag-initiate sa akin ng karunungang matagal kong hinanap at hinintay mula nang mabasa ko ang librong nagdikta ng aking buhay na tinahak. utang ko to sa AP 12 at PanPil 17.
Nung isang taon, sigurado ako sa sarili ko. Alam ko kung saan ako palpak at kung saan ako interesado. Tantyado ko ang kapasidad at limitasyon ko sa mga nag-uumapaw na inihaharap na kaalaman sa akin sa bawat subject.
Higit sa lahat, malinaw sa akin ang sitwasyong pinasok at nilabasan ko. Ang mga ginapang ko ay nagbunga ng tres at matataas na marka, at ang isinuko ko, ng singko.
Masakit. Isang linggo habang nagdadalamhati ang buong mundo sa pagkawala ni Pope John Paul II, nagluluksa rin ang kaluluwa ko sa isang sulok ng tinutuluyan ko. Mag-isa. Ayaw ko nang alalahanin pa ang sandaling yon dahil ang pakiwari ko'y doon nagsimula ang pagrerebolusyon ng nasa loob ko.
Ibang-iba sa nangyari sa second sem ngayon.
Wala akong maalalang katangi-tangi ngayon.
Wala.
Wala talaga.
Gusto kong sisihin ang kapalaran. Oo. Pakikipag-away sa hindi nakikita. Sa abstrakto. Ewan. Hindi ko alam kung saan ko napulot ang ganitong trip. Basta ang naaalala ko lang talaga sa second sem ngayon, nagpaka-
vain ako. Sa bawat mapait na salitang ibinabato ko sa mga
poseur na taong nakapaligid sa akin, hindi ko namalayang isa-isa rin palang bumababalik sa akin ang lahat ng ipinaratang ko. Karma. At sa huli ko lang pala mauunawaan ang lahat na isa-isa ko ring nilunok ang bawat ka
poseurang ikinagagalit ko sa mundo.
Ako pala ang naging
poseur.
Ang nagpakapekeng estudyante na sa tuwing pagtapos ng klase, diretso palagi sa library para tumuklas ng karunungan sa mga librong hinihiram; araw-araw pumapasok at nakikipaghabulan sa oras para hindi ma-
late; pinapainit ang silya sa nakapakong puwet, hindi natitinag sa pagkakaupo, nauubusan ng tinta ang ballpen sa kasusulat ng mga bagay na dinidikta o nakasulat sa blackboard.
Pero walang nakakaalam na ligaw ang utak ng nagpapakapekeng estudyanteng nakaupo sa unahan ng klasrum. Walang nakakapansin na may kung anong nagrerebolusyon sa loob ng nagpapakapekeng estudyante. Walang nakakaramdam na ang nagpapakapekeng estudyanteng katabi niya, o kaya'y nasa unahan o likuran niya nakaupo; nakasalubong sa daan; nakasabay sa Casaa o sa Ikot, ay may alaga palang demonyo sa loob niya dahil sa supresyon ng kahinaan at kalituhan sa bagay-bagay sa mundo. Walang mag-aakala dahil ang kilala nila'y isa lamang maskara.
PAGLALAGOMSa kabila ng kalituhan ko sa mga pangyayari sa akin ngayong second sem, gaya nga ng sinabi ko, wala akong pagsisisihan. Salamat sa diary ni Maria***, nahanap ko ang paliwanag sa second sem:
"When i stopped being who i am, i found myself." Kaya mula ngayon, sa araw-araw na itinatakbo ng buhay ko, kahit normal pa rin naman ang nakikita ng mata ko o ng naririnig ng tenga ko o ng nararamdaman ng puso ko, iba na ang pagpapakahulugan ng utak ko sa mga ito. hindi ko alam kung dapat kong ikatuwa o ikatakot ang realisasyon kong ito sa buhay. pero sa ngayon, ang mahalaga sa akin, mahal ko ang sarili ko at hindi ko na gagawin muli ang mga bagay na pilit magpapabago sa kung ano ang naging ako. Ang naging malayang ako.
PS. ANG HINDI NAKASAMA SA NILALAMANSa hinaba-haba ng sinabi ko, ang totoo'y hindi ko rin nagawang sabihin ang layon ko. Ang totoong problema ko. Na ako'y nalilito talaga. At ako'y nasa isang malaking question mark na yugto ng buhay ko. Problema sa iskwela. Wala na akong gana. Ayaw ko na magpatuloy. Alam na ng pamilya ko. Hindi ko lang sigurado kung akala nila nagbibiro lang ako. Problema na nila yon. Kakalimutan ko na ang pangarap ko. Ang dahilan ko na lang para ipagpatuloy ang buhay ay ang tuklasin kung ano ang misyon ko sa mundo - kung magiging kapwa ba ako sa kababayan ko, o ano. Pero ako'y inaalihan ng masamang pangitain dahil ako'y natatakot para sa sarili ko kung paano ako mabubuhay, nang walang sandatang diploma. Ang tanging
escape ko, kasabay ng pagtanggap ng pagkatalo ko at paglunok ng pride at habambuhay na pagsisisi, ay ang lisanin ang bansa kong minahal bago sumapit ang enrollment para sana sa ikatlong taon ko sa unibersidad na nagturo sa akin ng napakaraming katotohanan ng buhay.
WAKAS________________________________
*mula sa Utos ng Hari At Iba Pang Kwento ni J. C. Reyes
**mula sa TheCatcher in the Rye by J.D. Salinger
***mula sa Eleven Minutes by Paulo Coelho